
Goodbye OEC, welcome OFW Pass
Ni Sonny Fernandez
Hindi biro para sa milyon-milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC).
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, nagtityaga silang pumila at magbayad ng P100 para lang makakuha ng OEC.
Ang OEC o tinatawag ding exit clearance, ay patunay na ang isang kababayan ay legal na magtatrabaho o nagtatrabaho sa abroad, dahil nakarehistro siya sa Philippine Overseas Employment Administration.
OEC ang pinapakita ng OFWs sa immigration officers kapag nagpapabalik-balik sila sa host countries at Pilipinas.
Kapag walang OEC, tinuturing na undocumented ang isang OFW.
Pero parati itong inuulan ng batikos dahil para sa OFWs, wala naman itong silbi.
Giit ng OFWs, may mga papeles namang nagpapatunay na nagtatrabaho sila sa ibang bansa at dagdag gastos lang ito.
Kaya reklamo ng OFWs, aksaya sa oras, pera at effort ang pagkuha ng OEC.
Ang magandang balita, tapos na ang abala at gastos na dala ng OEC sa OFWs.
Pinalitan na ito ng OFW Pass.
Pina-pilot test na ang OFW Pass sa sampung bansa na may pinakamaraming OFWs.

Kasama rito ang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Hong Kong, Singapore, Malaysia, Oman, Taiwan, United Kingdom at Japan.
July 21 ngayong taon, ini-launch ng Department of Migrant Workers (DMW) ang DMWMobile application na kasamang feature ang OFW Pass.
Kung dati, kailangang mamasahe papunta sa POEA para makakuha ng OEC, sa OFW pass, hindi na kailangang maglakad at pumila.
Dahil digital na siya, pwede nang maproseso ang pagkuha ng OFW Pass gamit ang inyong cellphone, computer o tablet.
Kailangan lang i-download ang DMWMobile app.
Walang bayad o libre ang pagkuha ng OFW Pass di tulad ng OEC.
Valid ang OFW Pass hanggang matapos ang kontrata ng OFW na mas okay kesa sa OEC na hanggang 60 days lang magagamit.

Sa launching, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na ang DMWMobile app ay ayon na rin sa tunguhin ng administrasyon na pabilisin ang mga serbisyong ibinibigay sa taumbayan, gawin itong masinop sa pamamagitan ng digitalization.
Pagmamalaki ni Marcos Jr., “this innovative app will revolutionize the way our OFWs access certain services, such as the verification of their contracts and applying for their OFW Pass.”
“And so now, any OFW has access to this service at their fingertips,” dagdag pa ng pangulo.
Nilinaw ni DMW Secretary Toots Ople para hindi malito ang OFWs sa transition period, tuloy muna ang pagpapatupad ng OEC ng dalawang buwan.

Pangako naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, isasama nila ang OFW Pass sa travel declaration system ng Pilipinas na eTravel.
Kaya asahan na raw na “no more need for paper, no questions, just present the OFW Pass, we will clear the OFW in our immigration area.”
Ibig sabihin, mawawala na ang hassle na natetengga nang matagal sa immigration ang OFWs.
Ang DMWMobile app ay magkatuwang na dinevelop ng DMW at Department of Information and Communication Technology (DICT).
Narito ang step-by-step guide sa pagkuha ng OFW Pass:
1. I-download ang DMWMobile App
2. Mag-log in at hintaying dalhin sa Passport Verification Section
3. Payagang ma-access ng app ang camera ng phone. Tap “Continue”
4. Ihanda ang passport at iposisyon sa itinakdang pwesto sa screen. Tap “Continue”
5. Sundan ang grid lines na naka-display sa phone screen para maayos ang pag-scan sa Passport ID page.
6. Repasuhin ang scanned photo ng Passport ID para masigurong mababasa ito. Tap “Continue”
7. Abangan ang application na ma-scan at maproseso ang ID information.
8. Maghanda na mag-selfie sa harap ng camera. Tiyaking gumamit ng flash at malinaw ang mukha
9. Mag-selfie kapag nag-abiso ang application.
10. Kapag okay ang selfie, makatatanggap ng notification na maayos na nakunan ng litrato.
11. Abangan ang application na maproseso ang selfie.
12. Congratulations! Ang inyong identification details ay verified. Tap “Continue”
13. Dahil verified na kayo, pwede nyo nang simulang gamitin ang inyong OFW Pass. Idi-display ang inyong verified OFW Pass sa screen bilang pagkumpirma sa inyong digital identity.
Panoorin ang launch ng DMWMobile app at OFW Pass dito sa coverage ng Presidential Broadcast Staff, Radio Television Malacańang (PBS-RTVM), ang official broascast agency ng Office of the President (OP).
