Roma, 16 Agosto 2023 – Bagong dekreto na naglalayong madagdagan ang pwesto para sa panandaliang trabaho, inilabas sa Opisyal na Gazette.

Base sa Opisyal na Gazette Blg. 189 noong 14 Agosto 2023, may bagong dekreto ang Pangulo ng Konseho ng mga Ministro mula noong 19 Hulyo 2023 na nagdadagdag ng 40,000 na pwesto para sa panandaliang trabaho. Dagdag ito sa naunang 44,000 na pwesto mula sa dekreto noong 29 Disyembre 2022, na agad naubos dahil sa labis-labis na bilang ng aplikante na umabot sa higit sa 150,000.
Itinakda ng karagdagang dekreto ang 40,000 na pwesto eksklusibo para sa sektor ng agrikultura at turismo. Ang mga aplikasyon ay pagsusuriin batay sa petsa ng pagsumite, simula sa “clic day” noong nakaraang Marso.
Binigyang-diin ng karagdagang pwesto ang pangangailangan ng ekonomiya at industriya sa bansa para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at turismo. May plano rin ang pamahalaan na magdagdag pa ng 82,250 na pwesto para sa 2023 ayon sa tatlong-taong programa na inaprubahan na ng pamahalaan.
Ayon sa joint circular noong 10 Agosto 2023, may mga patakaran na sinusunod sa pagproseso ng mga aplikasyon. Kabilang dito:
- Pagkalipas ng 30 araw mula sa paglathala ng bagong dekreto at walang anumang hadlang, ang pahintulot ay otomatikong ibibigay at ipapadala online sa mga diplomatic representation ng Italya sa ibang bansa. Ang mga bansang ito ay magbibigay ng visa sa loob ng 20 araw;
- Ang pag-verify ng kontrata at kakayahan ng employer ay hindi na ginagampanan ng Labor Inspections. Sa halip, ito’y ipinasa sa mga propesyonal na nakarehistro sa listahan ng labor consultants, abogado, at mga certified accountants. Sa positibong resulta, sila ay magbibigay ng sertipikasyon na dapat isama sa aplikasyon;
- Para sa mga manggagawa ng panandaliang trabaho, hindi na kinakailangan ang pag-verify kung mayroon bang mga manggagawa sa bansa;
- Ang mga aplikante ay maaaring suriin ang kanilang application status online sa website na https://portaleservizi.dlci.interno.it sa private section.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tingnan ang DPCM noong 19 Hulyo 2023 at ang Joint Circular noong 10 Agosto 2023.
